Laro ng Buhay
Ang Buhay Bilang Isang Laro
May mga taong sobrang maingat, parang lumalakad sa manipis na yelo, itinuturing ang buhay na isang digmaan; sa kaunting paglihis lang sa inaasahan, pakiramdam na nila ay bigo sila. Mayroon ding hindi pa nga nakakapag-explore ng tunay nilang interes at mga pinagkakaabalahan, pero napaaga na sa pagpili ng isang karaniwan at ‘safe’ na landas. Ang iba naman ay gumagawa ng trabahong hindi nila gusto, at dahil wala silang magawa para baguhin ang sitwasyon, puro reklamo na lang sila. Mayroon ding paulit-ulit na nalulubog sa putik ng samu’t saring emosyon at hindi na makabangon. At ang iba, mas inuuna ang panandaliang pakinabang kahit isakripisyo ang pangmatagalang benepisyo, na nagreresulta sa sunud-sunod na hindi matatalinong desisyon…
Bakit hindi tayo lumabas sa nakasanayan nating pag-iisip at ituring ang buhay bilang isang malaking ‘multiplayer online role-playing game’ (MMORPG) na hindi pwedeng i-load o i-save? Laruin natin ito nang buong-puso at seryoso.
Ang mga numerong nagbabago sa bank account mo ay parang ‘game currency’. Sa medical report mo nakalagay ang iyong ‘HP bar’ o ‘health value’. Sa mga libro at sa internet, makakakita ka ng iba’t ibang ‘game guides’ o stratehiya. Ang WikiHow ang iyong ‘newbie guide’. Ang Wikipedia ang ‘game encyclopedia’ mo. Sa mga libro, mayroong mga ‘advanced techniques’ para matapos ang laro. ……
Mayroong naghahangad ng pinakamaraming ‘game currency’. Ang iba naman ay gustong maitala ang pangalan sa ‘leaderboards’. Mayroon ding naghahanap ng pagmamahal at minamahal. Ang ilan ay gustong ikutin ang mundo, aakyatin ang mga bundok at tatawirin ang mga ilog para makita ang lahat ng ganda. Mayroong handang sumubok ng pinakamahirap na hamon para matuklasan ang kanilang tunay na sarili. Ang iba naman ay matapang na umaakyat sa rurok ng karunungan. Habang mayroon ding sumusunod lang sa kanilang pakiramdam at interes, gumagala kung saan-saan, gusto lahat ay masubukan at makita. Mayroong piniling mag-surf sa karagatan. At ang iba, mas gusto lang manirahan nang tahimik sa isang sulok, at doon maramdaman ang tunay na kagandahan ng payak na pamumuhay…
Sino ka? Ano ang gusto mo? Ano ang ‘game objective’ mo? Ano ang ‘main quest’ at ‘side quests’ mo? Ano kung isang beses ka lang mabubuhay? Kung kaya mong mabuhay nang sampung beses, ganito pa rin ba ang pamumuhay mo?
Napaka-balisa ng mga tao ngayon. Parang sa paningin ng lahat, iisa lang ang daan na tinatawag na ‘tagumpay’. Hindi pa nga nila lubos na nararanasan ang mga biyaya ng buhay, ay nawalan na agad sila ng kakayahang maglaro at magsaya. Ang buhay ay may napakaraming paraan para isabuhay. Maraming ruta na kawili-wili at kapaki-pakinabang.
Kung kalayaan ang gusto mo, habulin mo ito. Kung kaligayahan, hanapin mo. Kung karunungan, abutin mo. Patuloy na pagbutihin ang sarili sa pisikal at mental na aspeto. Kung kaya mo, bakit hindi mo itaas nang kaunti ang iyong mga layunin? Kung ang puntirya mo ay ang pinakamataas, kahit hindi mo maabot, makakarating ka pa rin sa gitna. Pero kung sa gitna ka lang, baka sa ibaba ka mapunta.
Para sa akin, ang buhay ay isang laro. Marami pa akong gustong tuklasin. Kailangan kong alamin kung paano gumagana ang mundo, sabay-sabay na mag-explore at mag-praktis. Ano kaya ang maidudulot ng isang buhay na puno ng pakikipagsapalaran? Sino ang makakapagsabi? Ang mahalaga, laging tumingin sa itaas, huwag lilingon, iwasan ang pagkabagot, at matuto ng napakaraming bagay. Magsikap na maging pinakamakinang na bersyon ng sarili mo.
Habang nakatapak ang mga paa sa lupa at gumagawa ng mga praktikal na bagay, huwag kalimutang tumingala sa kalawakan na puno ng bituin. Kung maaari, pilitin pa ring maging isang taong kawili-wili. Ito ang aking pamantayan para sa sarili ko.
Dagdag na Mensahe
Sa kasalukuyang pandemya, malaki ang posibilidad na ang ating kasalukuyang sitwasyon na ang ‘new normal’. Para sa ating ipinanganak at lumaki sa panahon ng kapayapaan, ang nakaraang ilang taon ang marahil ang pinakamadilim na panahong naranasan natin. Ngunit gaano man kalamig ang taglamig, ito ay lilipas. Gaano man kahaba ang gabi, matatapos din ito. Matutunaw ang yelo, darating ang tagsibol. Ang araw bukas ay sisikat pa rin tulad ng dati. Paano natin tatawirin ang mahabang gabing ito? Ito ang tanong na kailangan nating pag-isipan.
Hindi ko talaga kayang tingnan ang napakaraming tao na nabubuhay sa pagdurusa. Ang pagpihit ba sa aking nararamdaman, ang hindi pagtingin at hindi pag-iisip ang tanging pagpipilian ko? May magagawa ba ako? Kahit pa isa lang akong hamak na nilalang, naiisip ko kung ano ang maaari kong gawin. Sa abot ng aking makakaya, gusto kong magsindi ng apoy. Upang makatulong na bumuo ng koneksyon sa bawat isa, at magbigay ng kasama. Para malaman mong hindi ka nag-iisa. Marami pa tayong kasama rito.
Nawa’y sa mahabang dilim ng gabi, ay mayroon pa tayong mga bituin na kasama. Mayroon ding apoy, at mga pusong lumalaban.